Eversince yesterday, I was on field work. I was assigned to interview two teachers for a coverstory in our magazine this June. Well, this is the part of my job that keeps me sane from all the monotonous tasks I have to do every single day.
A field work is like a breather. A refresher that I would really relish. Its perks. Free food, you go around with a driver and boarding an air conditioned vehicle and of course, you have a hi-tech digital camera with you. It might sound too sleazy but hey! It still is perks. After all, like what Kat said, a job without perks is injustice.
It was just ironic because I am interviewing teachers of Economics and asking about teaching Economics when I suck at Economics. Yeah, I hate that subject. Well, according from both of the teachers, Economic is a very relevant and practical subject. Well, no comment on that.
They also both said that some of the concepts are hard to understand. I agree. Dahil hanggang ngayon hindi ko pa rin maintindihan ang pinagkaiba ng mayaman sa mahirap samantalang pareho lang naman silang kumakain, natutulog, nagsasalita, humihinga at tumatae. Well, sasabihin niyo sigurong wala silang pagkakaiba. Iyon ay kung bulag, pipi at bingi ka sa mga nangyayari sa paligid mo.
Tulad kanina, galing kami sa Colegio San Agustin na nasa pusod ng Dasmariñas Village na isa sa mga sosyalang villages sa Makati. Kitams? Villages! Pagliko pa lang namin sa McKinley Road, hindi na kinaya ng powers ko ang aking nasaksihan. Sa isang gate ng ewan kung anong village iyon pero sosyalan din, sunud-sunod na lumabas ang isang itim na Jaguar, isang itim ding BMW, isang beige na Mercedes at isa pang beige na Chevrolet van. Astig! Mukhang magsisimula na ng mga araw nila sila Sir at Madam!
Hindi talaga carry ng powers ko ang mga bahay na sobrang laki. Puro American style lahat. Open driveway at walang gate. Kaya kitang-kita mo ang mga koleksyon nila ng Ford Expedition at Chevrolet Suburban. Aanhin kaya nila ang ganung karaming sasakyan? Siguro lahat ng tao sa bahay na iyon ultimong sanggol na kapapanganak may sasakyan. Baka naman pwede humingi ng isa. Kahit na iyong Mitsubishi Lancer lang na mukhang ginagamit niyo lang pamalengke.
Ang daming puno sa paligid. Feeling mo tuloy nasa ibang bansa ka. Maaga pa naman pero wala kang makikitang magtataho, magbobote, nagtitinda ng puto, naghahasa ng gunting, gumagawa ng payong o kaya nagsa-shine ng sapatos na paikut-ikot sa paligid. Sila iyong mga mobile vendors natin na sabi nga ni Bob Ong, may iba-ibang repertoire kapag nagtitinda.
May dalawang trak ng basurang umiikot sa village. Pero hindi kagaya ng nangongolekta sa amin, tahimik ang mga basurero. Hindi sila sumisigaw ng Basura! Basura! Hindi rin maingay ang trak nila na animo’y barkong sumisingaw. Wala rin silang jingle. Basta abala lang sila sa pagdampot ng mga itim na garbage bag. Oo. Uniform ang mga lalagyan ng basura. Lahat itim na garbage bag. Wala akong nakitang sando bag o kaya malaking latang drum na punum-puno ng masulasok na basura.
Malinis din ang paligid. Walang naghambalang na mga basura. Ang kalsada, aspaltado. Malalawak na kasya ang apat na Ford Expedition. Walang tae ng aso, dura o ni chewing gum sa kalsada. Wala ring halos naglalakad. Kahit tao yata bawal kumalat sa paligid.
Iniisip ko tuloy, hindi kaya nakakabato ang buhay roon dahil sobrang tahimik. Mas maingay pa yata ang library. Kilala kaya ng mga tao roon ang bawat isa? Baka mamaya, nagkasalubong na sa daan, hindi pala magkakilala. Kunsabagay, imposible namang magsalubong sila dahil bawal nga ang kakalat-kalat.
Paano kaya ang batang lumaki roon? Hindi niya naranasang maglaro ng 10-20, patintero, habulan, taguan, tumbang-preson, agawan base at badminton sa kalye. Eh, may sarili ngang soccer field ang village nila, badminton court pa kaya ang mawala? Iyong clubhouse nga nila may Starbucks. San ka pa? Hindi mo rin malalaman kung ano ang fashion style ng mga nakatira roon kasi walang nakasampay na damit sa harap ng bahay. Hindi mo malalaman kung umiihi ba sa kama ang bata roon dahil walang kumot o kaya foam ng kama na nakasampay sa gate.
Walang katulong na naglalakad para bumili ng instant noodles sa kanto. Paano? Wala namang sari-sari store. Walang gate na may nakasabit na for sale na hindi mo naman alam kung ano ang binebenta nila. Walang gate na may sticker ng MERALCO na hugis kamay. Walang tropa ng mga asong palakad-lakad sa kalsada. Walang pusa na naglalampungan sa bubong ng kotse o kaya nakaupo sa driver’s seat ng mga owner.
Wala ring mga tricycle na nag-uunahan sa pagdagit ng pasahero. Merong mga ipinapagawang bahay pero iyong bunton ng buhangin, graba at hollow blocks, wala sa kalye. At balut na balot ng mga yero ang paligid na animo’y 40-story building ang itatayo roon at hindi simpleng bahay. Ayaw yata nilang ipasilip man lang. Kahit yata pako na ginamit sa paggawa confidential.
At ang haba ng pila sa gate. Kailangan kasing mag-iwan ng ID sa security guard. Pero ang pakikipag-usap sa sekyu ay kumakain ng maraming minuto. Parang HR officer kapag mag-aaply ka ng trabaho. Kulang na lang hingan ka ng resume, NBI clearance at medical certificate. Samantalang kung Jaguar ang dala mo, no questions asked. Tuloy ka lang!
May nabasa nga akong paskil, no blowing of horns. Kahit siguro sagasaan at banggain mo na lahat ng nasa harap mo kapag ayaw tumabi okey lang. Basta wag ka lang bubusina. Allergic yata sa ingay ang mga tao roon. O baka naman lahat sila librarian.
Nang pauwi na kami, dumaan kami sa may San Juan. Isang payak na barangay sa San Juan. Pare, ang laki ng kaibahan. Ang haba ng pila ng mga sasakyan hindi dahil sa security check kundi dahil sa mga batang naglalaro sa kalsada, bolang humagis sa kalsada mula sa isang half court na inokupa ang kalahati ng daan. At hindi lang basta damit ang nakasampay sa harap ng bahay nila, sa bangketa sila mismo naglalaba at naliligo. Isang asong kalye ang siyang-siya sa pag-stoll sa kalsada kesehodang masagasaan siya. Gitgitan ang mga tricycle na makalusot sa traffic. Maingay ang paligid. May mga nagtitinda ng basahan, sampaguita, cellphone charger, mani, puto, pastillas, mineral water, feather duster, pati pahulugang appliances lahat nasa kalye.
Sandamukal din ang sari-sari store na bagaman pare-pareho lang naman ang itinitinda, lahat may kanya-kanyang suki. Kung mawawalan ka ng load, walang problema! Kahit bahay na walang gate o pinto, may nakasabit na mukha ni Heart Evangelista o kaya ni Geoff Eigenmann. Ibig sabihin, pwede ang electronic load.
Ang dami pang iba. Basta! Lahat ng wala sa Dasmariñas Village, meron sa dinaanan naming barangay. Trak lang ng basura ang wala. Taunan yata kung kumolekta ng basura roon. Iyong tipong tuwing Pasko lang sumusulpot ang basurero tapos pag-abot mo ng basura mo, aabutan ka ng sobre.
Hay! Mabalik tayo sa Economics! Relevant ba ika mo? Economics lets you understand the current situation of the economy and its effects in the society. Kailangan pa ba nila ng Economics para maintindihan iyon. Hindi pa ba sapat ang araw-araw na nakikita mo sa paligid? Hindi pa ba sapat na sa araw-araw na ginawa ng Diyos, nagtataas ng presyo ang gasolina? Hindi pa ba sapat na habang nakikita mo ang mga kaklase mo na bumababa sa itim na Jaguar, ikaw, naglalakad dahil kinse pesos na ang pamasahe sa tricycle. Sampung piso lang ang baon mo. Paano na iyong lima?
Hindi pa ba sapat na habang sakay sila ng mga BMW nila papasok sa trabaho, ikaw ay nakasabit sa jeep dahil pagkahirap-hirap sumakay? Hindi pa ba sapat na kahit anong pilit mong pagkasyahin ang 200 sweldo mo sa isang araw, sila, pampagupit lang ng buhok ang halagang iyon? Buti sana kung may style. Kaso ang nais lang naman nila, magpakalbo dahil summer. At habang ikaw, nagtiyatiyaga sa 3 n 1 na binili mo sa kanto, sila dinudulutan ng caffe latte ng sekretarya nila.
Hindi pa ba sapat ang daan-daang buhay na nalagay sa peligro ng dahil sa pagkain ng maruya habang ang isang iyon ay abala sa pancakes niya? Maruya na nga lang ang kaya mong bilhin, malalason ka pa. At hanggang ngayon, hindi mo pa rin alam ang dahilan kung bakit ka nalason. At wala na rin pakialam ang gobyerno dahil may bagong isyu na silang haharapin. Proproblemahin pa kasi nila ang kaguluhang inihasik ng mga Abu Sayyaf sa Taguig. Baka raw kasi magalit si Bush kapag nalaman nitong kulang pala ang maximum sa maximum security natin.
Hay! Kaya siguro mahirap maintindihan ang Economics. Kasi wala naman sense na ipaintindi ito sa mga bata gamit ang mga teorya. Maiinis ka lang dahil kahit anong konsepto, hindi kayang ipaliwanag ang hirap na tinitiis mo sa araw-araw mabigyan lamang ng pagkain ang iyong mga anak, mapapasok lang sila sa eskwelahan, at pagdating ng hapon ay magkapagrelaks sa isang bote ng gin na tumaas na ang presyo dahil sa dagdag na buwis.
Sabi nila, bakit daw ang mga mahihirap, wala na ngang pera, alak pa ang binibili? Ibabalik ko sa inyo ang tanong? Kayo na ang magtibag ng bato sa ilalim ng init ng araw, mag-araro ng bukid buong maghapon, sumigaw at magtawag ng pasahero buong araw o kaya magkabit ng billboard sa pagkataas-taas na tore? Na sa paglubog ng araw, ang tanging iaabot lang sa iyo dalawang daang piso. Kaya mo bang mag-spa, mag-gym, mag-badminton o kahit bumili ng isang basong kape sa Starbucks sa halagang iyon habang naghihintay ang asawa mo at anim na anak sa bahay?